Kasaysayan ng Philippine Military Academy (PMA)
Maiuugat ang kasaysayan ng PMA sa paaralan para sa mga punong kawal ng Philippine Constabulary ng Manila. Nagbukas ito noong ika-15 ng Pebrero 1905 sa Kuwartel ng Sta. Lucia sa Intramuros.
Matapos ang tatlong taon, noong Setyembre 1, 1908, inilipat ang paaralang ito sa Baguio sa pamumuno ni Komandante James F. Quin. Sa pamamagitan ng ipinasang Act No. 2319 ng Lehislatura ng Pilipinas noong Abril 14, 1914, nagkaroon ng pondo ang eskuwelahan para sa pagpapatakbo nito. Pagkaraan ay ipinasa ang Act No. 2605 noong Pebrero 4, 1916 na siyang nagtatag na mapalitan ang pangalan ng paaralan. Mula noon, kinilala na ito bilang “Academy for Officers of the Philippine Constabulary”. Sa ilalim ng bagong pagkakakilanlan nito, ipinagpatuloy ng paaralan ang pagpapalawak at pagpapaigting ng layunin nitong magsanay ng mga sundalong inaasahang mamumuno sa Philippine Constabulary. Kaugnay ng pagpapahusay sa Akademya ay ang pagkakaroon nito ng matinding pagsusulit para salain ang mga nais mag-aral dito.
Noong Disyembre 8, 1926, ipinasa ng Lehislatura ang Act No. 3496 na nagdeklarang ang opisyal na pangalan ng paaralan ay Philippine Constabulary Academy. Sa ilalim nito, ang naunang kurso na siyam na buwan lamang ang haba ay naging dalawang taon–hanggang sa naging tatlong taon ito ayon sa mga sumunod na pag-amyenda sa mga batas. Maliban sa haba ng kurso, kasama sa mga binago sa Akademya ay ang kurikulum nito at ang pagpapatibay pa lalo ng lupon ng mga guro at mga tauhang bumubuo rito. Sa puntong ito, opisyal nang naging kolehiyo ang Philippine Constabulary Academy. Ayon sa Tagapangasiwa nito noong 1929 hanggang 1932 na si Koronel R.A. Buckworthford:
“The Academy is vested by law with the status of a college. The diplomas awarded to the Academy graduates should be recognized as equivalent to an AB or BS degree in the same way as West Point diplomas are recognized by most universities and other collegiate institutions in the United States.” (Ang Akademya ay binibigyang-kapangyarihan ng batas bilang isang kolehiyo. Ang mga diploma na igagawad sa mga nagtapos sa Akademya ay kikilalaning katumbas ng antas na AB o BS sa parehong paraang ang mga diploma ng West Point ay kinikilala ng karamihan sa mga unibersidad at iba pang kolehiyo sa Estados Unidos.)
Natamo ng Constabulary Academy ang estado nito bilang kolehiyo kasabay ng pagpapasa ng Commonwealth Act No. 1 (National Defense Act) noong Disyembre 21, 1935. Bago ang Commonwealth, ang Pilipinas ay itinuring na kolonya ng Estados Unidos at hindi ito pinayagang magkaroon ng sarili nitong sandatahan. Sa unti-unting pag-abot ng Pilipinas sa lubos nitong kasarinlan, kinailangang siguraduhin ng Pamahalaang Commonwealth na handa ang sariling sandatahan ng Pilipinas. Upang magawa ito, itinaguyod ng pamahalaan ang mga institusyong magbibigay-daan sa kagalingan ng hukbong sandatahan ng bansa.
Naging apat na taon ang kurso sa Akademya at mula sa isang simpleng diploma, ipinagkaloob din sa mga estudyante nito ang antas na Bachelor of Science. Bukod pa rito, nagkaroon ng huling pagbabago sa pangalan ng Akademya—kinilala na itong Philippine Military Academy. Ang lahat ng ito—mula sa paglagda ni Pangulong Manuel L. Quezon sa National Defense Act hanggang sa paghubog sa Akademya–ay naging pagpapatotoo sa pangangailangan ng mahusay na paaralan para sa mga punong kawal ng bansa at sa kahalagahan ng isang malakas na sandatahan ng bansa.
Mula noong inilipat ito sa Baguio noong Setyembre 1, 1908 hanggang 1936, ang Akademya ay nasa Constabulary Hill. Bilang pagkilala sa taong higit na nakapag-ambag sa paglago at pag-unlad ng Akademya, pinalitan ang pangalan ng lugar bilang Camp Henry T. Allen. Noong 1936, pansamantalang inilipat ang Akademya sa isang mas malaking lokasyon sa Teacher’s Camp, lungsod ng Baguio. Muli, dumaan sa malawak na mga pagbabago ang mga pangmilitar at akademiko nitong kurso.
Sa pagsiklab ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, naantala ang mga gawain at operasyon sa PMA. Gawa ng pangangailangan ng bansa, maagang nagtapos ang mga kadete ng Class ’42 at ’43. Kasama ang mga guro nila, agad silang itinalaga sa mga pangkat na sasabak sa labanan sa Bataan at iba pang sektor ng bansa.
Mayo 5, 1947 nang muling binuksan ang Philippine Military Academy sa lungsod ng Baguio. Nagsimula ang mga klase noong unang linggo ng Hunyo sa Camp Allen kasabay ng patuloy na rehabilitasyon at pagpapaunlad ng Akademya. Dahil sa kawalan ng mga upperclassmen, ilan sa mga kasapi ng Class ’44 at ’45 ang ginawaran ng responsibilidad sa indoktrinasyon ng mga kadete hanggang sa integrasyon nila sa hukbo.
Nangailangan ang Akademya ng mas malaking lokasyon kaya kumuha sila ng lugar sa Loakan. Itinayo rito ang Academic Building (na nagkakahalagang P 1,300,000) na nagsilbing kuwartel at silid-aralan para sa kakaunti pa nitong mga mag-aaral. Noong 1963, pinangalanan ang gusaling ito na Melchor Hall bilang pagkilala kay Koronel Alejandro Melchor, ang Dekano ng Akademya.
Hindi nagtapos sa Melchor Hall ang pagdaragdag ng imprastruktura ng PMA. Kasama sa mga itinayo pang gusali sa Loakan ay ang mga sumusunod: tirahan para sa mga opisyal, Station Hospital, Yap Hall (cadet mess hall), Jurado Hall (gymnasium), covered court complex (na ginagamit din bilang auditorium), mga pasilidad para sa martial arts, tatlong tennis court, at swimming pool na 25 metro ang haba.
Sa pagdami ng mga kadete, nagdagdag pa uli ng tatlong kuwartel: Regis Hall, Central Barracks, at ang Mayo Hall. Mayroon ding dalawang bagong tayong kuwartel na parehong tinatawag na Ramos Hall.
Ang Philippine Military Academy na mayroon tayo ngayon ay produkto ng napakaraming pagbabago, pag-unlad, at inobasyon—ang Tri-Service Curriculum, mga proyektong imprastruktura, ang Faculty Merit System, at ang pagtanggap ng kababaihan sa hukbo. Sa kabila ng mga pagbabagong ito, nananatili ang PMA bilang simbolo, pangalan, at paaralan. Kinakatawan nito ang mga pinakamahuhusay na tradisyon ng pagsisilbi. Patuloy pa rin nitong dinadala ang mga batayan ng pagkataong hinubog ng dangal na lalo pang pinabuti ng disiplina. Sa loob ng humigit-kumulang walumpung taon, walang humpay itong nagsanay ng mga mamamayang ang ultimong layunin ay ipagtanggol ang bansa, ang kapayapaan at kaayusan nito.
Higit sa lahat, sinasalamin ng kasaysayan ng Akademya ang walang sawang pagpapatotoo nito sa katagang nagsisilbing gabay nito: KATAPANGAN, INTEGRIDAD, AT KATAPATAN. (Courage, Integrity, and Loyalty).
Ang Tradisyon ng Pagtatapos sa Philippine Military Academy
Ang Balediktoryan at ang Baron
Naaayon sa tradisyon na ang PMA Class Valedictorian ay tatanggap ng Presidential Saber mula sa Pangulo ng Pilipinas. Ang nakatanggap ng Presidential Saber noong 2013 ay si Kadete Jestoni Armand Lanaja. [BASAHIN: Mga talumpating inihayag ng iba’t ibang Pangulo ng Pilipinas sa araw ng pagtatapos ng PMA]
Sa kabilang banda, ang Baron naman ay ang kadeteng nagkamit ng pinakamaraming ranggo sa Hukbo. Siya rin ang pangunahing katuwang sa Komandante ng mga Kadete sa disiplina, panloob na administrasyon, pagsasanay, at pangmalawakang kahusayan ng Hukbo. Bilang pagkilala sa kanya, siya ang mayroong pinakamahabang chevron/insignia sa lahat ng mga kadete ng hukbo.
Sa pamumuno ni Pangulong Manuel L. Quezon, unang iginawad ang Presidential Saber kay Kadete Aristeo Ferraren noong 1938, na siya ring Baron ng klase.
Bukod kay Kadete Ferraren, dalawa lamang uli ang naging Balediktoryan ng klase at Baron sa parehong pagkakataon: sina Kadete Leopoldo Regis ng Klase ng 1951 (siya ring namatay kasama ni Pangulong Magsaysay sa pagbagsak ng kanilang eroplano noong 1957) at si Kadeteo Manuel Arevalo ng Klase ng 1964. Ang impormasyong ito ay ayon sa kolumnistang si Ramon J. Farolan at sa blogger na si Winston Arpon.
Ang Goat
Tinataguriang Goat ang pinakahuling kadeteng nagtatapos sa klase. Nanggaling ang tradisyong ito sa United States Military Academy sa West Point. Itinigil na ito sa West Point noong 1978, gayumpaman kinikilala pa rin ang Goat tuwing araw ng pagtatapos sa pamamagitan ng masigla at masigabong hiyawan ng klase tuwing tatawagin ang pinakahuling kadete sa mga magtatapos.
Pamamahagi ng Rank Insignia
Noong 1957, pinasimulan ni Pilar Hidalgo Lim, asawa ng namayapang si Heneral Vicente Lim, ang tradisyon ng pamimigay ng First Rank Insignia o “Lieutenant’s triangles” sa bawat kasapi ng mga klaseng magtatapos sa PMA. Kada taon, bago pa man ang araw ng pagtatapos ay ibinibigay na ang mga insignia sa mga kadete. Dalawang liham ang kasama nito: kopya ng orihinal na liham mula kay Gng. Lim at sulat mula sa isang kinatawan ng pamilya Lim, na hanggang sa ngayon ay ipinagpapatuloy pa rin ang tradisyong ito.
Mga Opisyal na Pangalan ng mga Klase
Ang bawat klaseng magtatapos sa PMA ay pinapangalanan bilang isang representasyon ng mga hangarin at mithiin ng mga klase. Nagsimula nito sa Klase ng Dimasupil noong 1967.
(Bisitahin ang website ng PMA)
APPENDIX
CLASS | NAME |
1967 | Dimasupil |
1970 | Magiting |
1971 | Matatag |
1972 | Masigasig |
1973 | Maagap |
1974 | Marangal |
1975 | Makabayan |
1976 | Magilas |
1977 | Masikap |
1978 | Makatarungan |
1979 | Matapat |
1980 | Mapitagan |
1981 | Dimalupig |
1982 | Sandigan |
1983 | Matikas |
1984 | Maharlika |
1985 | Sandiwa |
1986 | Sinagtala |
1987 | Hinirang |
1988 | Maringal |
1989 | Makatao |
1990 | Bigkis-Lahi |
1991 | Sambisig |
1992 | Tanglaw-Diwa |
1993 | Maalab |
1994 | Bantay Laya |
1995 | Marilag |
1996 | Mabikas |
1997 | Kalasag-Lahi |
1998 | Masinag |
1999 | Masikhay |
2000 | Sanghaya |
2001 | Kaakibat |
2002 | Banyuhay |
2003 | Mandarangan |
2004 | Maliyab |
2005 | Sanlingan |
2006 | Mandala |
2007 | Maragtas |
2008 | Baghawi |
2009 | Masiglahi |
2010 | Masidlak |
2011 | Laon-Alab |
2012 | Bagwis |
2013 | Pudang Kalis |
2014 | Siklab Diwa |
2015 | Sinaglahi |
2016 | Gabay Laya |
Listahan ng lahat ng mga tumanggap ng Presidential Saber
NAME | CLASS |
Aristeo T Ferraren | 1938 |
Lisurgo E Estrada | 1940 |
Manuel T Yan | 1941 |
Eliseo D Rio | 1942 |
Leopoldo B Regis | 1951 |
Marcelo S Nuguid | 1952 |
Bernabe D Salvador | 1953 |
Donato L Guzman Jr | 1954 |
Rosalino A Alquiza | 1955 |
Jose C Bello Jr | 1956 |
Arnolfo R Ramirez | 1957 |
Gregorio D Bravo | 1958 |
Sebastian B Arrastia | 1959 |
Thaval N Sawangpunka | 1960 |
Alexander P Aguirre | 1961 |
Hernani M Jover | 1962 |
Eckwood H Solomon Jr | 1963 |
Manuel A S Arevalo | 1964 |
Antonio A Daza | 1965 |
Romeo H Bruce | 1966 |
Anselmo S Avenido Jr | 1967 |
Arthur B Garrido | 1968 |
Crisostomo F Abanes | 1969 |
Irwin P Ver | 1970 |
Oscar O Martinez | 1971 |
Eduardo H Gador | 1972 |
Antonio R Torres | 1973 |
Alfredo D Abueg Jr | 1974 |
Raul M Subala | 1975 |
Joel R Goltiao | 1976 |
Kah K Lim | 1977 |
Ho S Yee | 1978 |
Rafael L Llave | 1979 |
Delfin G Lorenzo | 1980 |
Thawip P Netniyom | 1981 |
Renoir M Pascua | 1982 |
Ervin B Gumban | 1983 |
Samuel T Jardin | 1984 |
Manuel R Gaerlan | 1985 |
Gilbert I Gapay | 1986 |
Angel L Evangelista | 1987 |
Antonio P Mendoza Jr | 1988 |
Rei Ferdinan B Picar | 1989 |
Bruce S Concepcion | 1990 |
Jose Ernest B Gaviola | 1991 |
Wayne B Avestruz | 1992 |
Rommel R Cordova | 1993 |
Genaro C Menor | 1994 |
Gerardo O Gambala | 1995 |
Rogelio R Lacerna Jr | 1996 |
Ephraim G Suyom | 1997 |
Joe Roy D Kindipan | 1998 |
Arlene A Dela Cruz | 1999 |
Paul Anthony V Aviquivil | 2000 |
Sadiri R Tabutol | 2001 |
Charlie Antonio Domingo Jr | 2002 |
Tara J Velasco | 2003 |
Rolly A Joaquin | 2004 |
Bryan C Rayton | 2005 |
Ariel M Toledo | 2006 |
Andrelee S Mojica | 2007 |
Ariel G Rallos | 2008 |
Karl Winston Dl Cacanindin | 2009 |
Eraño B Belen | 2010 |
Angelo Edward Buan Parras | 2011 |
Tom V Puertollano | 2012 |
Jestoni Armand Lanaja | 2013 |
Jheorge M Llona | 2014 |
Arwi C Martinez | 2015 |
Kristian Daeve Abiqui | 2015 |