(Introducing Commissioner Ma. Rowena Guanzon, guest of honor and speaker at the 2017 Recognition Rites of the U.P. School of Economics, 23 June 2017)

 

Magandang hapon po:

Ang ating Panauhing Pandangal sa araw na ito ay — tulad ninyo — isang produkto ng School of Economics ng Unibersidad ng Pilipinas-Diliman. Itinuloy niya ang kanyang pag-aaral sa unibersidad sa College of Law kung saan siya ay nakatanggap ng Dean’s Medal sa kanyang pagtatapos bilang Top 6 ng kanyang klase. Mayroon rin siyang degree na Masters in Public Administration mula sa Harvard University sa Estados Unidos kung saan siya ay hinirang bilang isang Edward Mason Fellow at Class Marshall.

Sa edad na dalawamput-walo, siya ay itinalaga ni Pangulong Corazon C. Aquino bilang alkalde ng lungsod ng Cadiz, Negros Occidental. Siya ay muling naihalal bilang alkalde ng lungsod mula 1988 hanggang 1992.

Siya ay kasalukuyang Komisyoner ng Commission on Elections (COMELEC) kung saan siya rin ang tagapangulo ng Gender and Development, Integrity and Accountability, at Voter Education Pillars ng komisyon. Siya ay naging Komisyoner ng Commission on Audit noong 2013 bago sya naitalaga sa COMELEC. At habang naglilingkod sa pamahalaan, hindi niya nakalimutan ang UP. Dito ibahagi ang kanyang galing at talino bilang guro sa College of Law kung saan siya ay nagturo ng Election Law, Public Officers, and Local Government Law.

Bukod rito, siya rin ay kampeon nga mga kababaihan. Makikita ito sa mga aklat na kanyang inilathala. Siya ay may-akda ng mga aklat hinggil sa The Anti-violence Against Women and their Children Act of 2004, Engendering the Philippine judiciary at ng The Davide Court: Its contributions to gender and women’s rights at ang pinakabagong aklat: The Anti-Sexual Harassment Act notes and cases. Talagang walang kapagod-pagod ang ating panauhin, sapagkat mayroon pang dalawang aklat na kasalukuyan niyang isinusulat, ang aklat tungkol sa Local Government Code at The Auditing Code of the Philippines casebook.

At dahil katangi-tangi ang kanyang kontribusyon sa serbisyong publiko, at sa larangan ng Law, siya ay ginawaran ng American Field Service Mabuhay Award noong 2013. Ginawaran din siya ng U.P. Alumni Association ng Outstanding Alumna in Gender Equality and Women Empowerment noong 2014 at ng Outstanding Sillimanian Award ng Silliman University noong 2015.

Mga magsisipagtapos, kaguruan, at mga opisyal ng School of Economics at Unibersidad ng Pilipinas, ang ating Panauhing Pandangal – tagapagtaguyod ng karapatan ng kababaihan, matapat na lingkod bayan, kapwa-Iskolar ng Bayan, at higit sa lahat, produkto ng UP School of Economics: Commissioner Rowena Amelia V. Guanzon.

(Read the speech of Comm. Guanzon here.)