Vic Sotto talks about ‘EK4,’ Kristine's accident, movie with Dolphy | GMA News Online
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Vic Sotto talks about ‘EK4,’ Kristine's accident, movie with Dolphy


Vic Sotto has revealed the details of Kristine Hermosa’s car accident in Cavite last Sunday to Philippine Entertainment Portal. The actor-host also gave a preview of his upcoming movie, “Enteng Kabisote 4." PEP reports: Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang ace comedian na si Vic Sotto sa shooting ng pelikulang Enteng Kabisote 4 (The Beginning of the Legend) sa studio ng M-Zet Films sa Central Business Center sa Manggahan, Pasig City kagabi, October 11. Entry sa 2007 Metro Manila Film Festival ang naturang pelikula at gaya ng mga naunang Enteng Kabisote movies, ginastusan nang malaki ito ng actor-producer. Ayon kay Vic, mas malaki ang budget ng ‘EK4’ kesa sa ‘EK3’ na umabot diumano sa P40 million ang kanilang nagasta ng co-producer niyang si Orly Ilacad ng OctoArts Films. Sa special effects pa lang, kasama ang visual effects na gagawin sa Hong Kong, P15 million na raw ang kanilang ilalabas. "Parang prequel ang EK4 para malaman ng hindi nakaabot kung paano nag-start ang Okey Ka, Fairy Ko. May flashback ito and towards the end, babalik ako sa nakaraan. Maganda ang eksena. This is also the biggest in terms of casting and productions for better entertainment," excited na sabi ni Vic. Out na sa cast ng ‘EK4’ si Bing Loyzaga bilang Satana. Panahon na raw na mawala ito sa istorya dahil three times na itong namatay. Papalit kay Bing sina Direk Peque Gallaga, Jomari Yllana, Ian de Leon, Ian Veneracion, Francine Prieto, at Michael de Mesa. Pero kasama pa rin ang mga gumaganap na anak ni Vic sa pelikula ang tunay niyang anak na si Oyo Sotto na isa nang pulis, at si Aiza Seguerra na nag-Japayuki. Gaya ng dati, surprise ang role ni Joey de Leon. KRISTINE'S ACCIDENT. Si Kristine Hermosa pa rin ang leading lady ni Vic sa pelikula, pero wala ang young actress nang pumunta ang PEP sa shooting. Gusto pa sana namin siyang tanungin tungkol sa pagkakabangga ng kanyang sasakyan sa isang motorsiklo na ikinamatay ng batang driver nito. Nasulat sa mga unang lumabas na balita na si Joey ang tumulong kay Kristine at sa driver nito, pero sabi ni Vic ay hindi alam ng kanyang matalik na kaibigan ang nangyari. "Nasa harap ang car ni Joey at six cars ang nakapagitan sa kanila ni Kristine. Hindi alam ni Joey ang nangyari. Galing sila sa shooting ng ‘EK4’ sa Ternate, Cavite. "Tumawag si Kristine at pinapuntahan ko sa staff dahil pinagkaguluhan na siya. She was traumatized sa nangyari, paano pa siya makakakaway at makipagngitian sa tao? Hindi masisisi ang both parties, it was an accident. Kinulong ang driver niya kaya pinahatid ko [si Kristine]," kuwento ni Vic. Sinabihan din daw ni Vic si Kristine na huwag munang mag-report sa shooting para makapagpahinga. Ire-reschedule na lang daw nila ang shooting nito kahit big scene, pero bumalik daw ang young actress sa location na namumugto ang mga mata sa kaiiyak. MOVIE WITH DOLPHY. Kinumusta rin ng PEP kay Vic ang pelikulang pagsasamahan nila ni Dolphy. Maganda ang balita nitong matutuloy na sa wakas ang project. Si Tony Reyes din daw ang direktor nito at aprubado ito ng Comedy King. "As far as I'm concerned, tuloy na siya," masayang balita ni Vic. "We've been talking and we're excited to do it. Nag-usap na rin kami ni Tony Tuviera [co-producer niya] at gagawin namin yun after EK4. We're finalizing the script, fine tuning na lang at puwede na. Dagdag pa niya, "We're scheduled to shoot by the end of the year or January next year. May title na, pero hindi puwedeng sabihin at baka maunahan kami. Simula pa lang, pangarap ko nang makatrabaho si Dolphy at bihira ang nabibigyan ng chance na gumawa ng movie kasama ang hinahangaan mo. Ang daming beses kaming nag-usap at lately na lang na-finalize. One year din naming ni-nurture ang project." Hindi pa man nasisimulan ang shooting, may playdate na ang still untitled movie nina Dolphy at Vic. Kung hindi raw May ay June next year maipalalabas ang pelikula at kung masisimulan agad, gusto ni Vic na maipalabas ito sa May na magandang playdate daw. Any comment sa sinasabing siya ang heir apparent ni Dolphy sa trono nitong Comedy King? "Hindi ako papayag, iisa lang ang Comedy King," sagot ni Vic. "I can be good in comedy or a good entertainer, huwag lang Comedy King, dahil walang puwedeng pumalit sa kanya. Maraming lumalabas na bago at magagaling na comedians, pero nag-iisa lang si Dolphy." Ikinumpara ni Vic si Dolphy kay Charlie Chaplin na up to now ay wala pa ring puwedeng pumalit. Hindi rin siya naniniwala sa heir-heir, dahil para sa kanya, nag-iisa lang si Dolphy na Comedy King ng bansa. - Philippine Entertainment Portal