Ang Tunay na Kahulugan ng Tatlong Bituwin sa Bandila | Abante

Ang Tunay na Kahulugan ng Tatlong Bituwin sa Bandila

​​Nagulat ang ilan nang makita na sa mga modyul ng Department of Education ang nakalagay na kahulugan ng tatlong bituwin sa ating watawat ay Luzon, Mindanao at Panay. Ang alam ng lahat ay Luzon, Visayas at Mindanao. Pinag-usapan ito sa “social media.”

​Sagot ng ilan, actually tama ang module sapagkat sa mismong dokumento ng Acta de la Proclamacion na isinulat ni Ambrosio Rianzares Bautista at binasa noong 12 Hunyo 1898, “…ang tatlong bituin ay nagpapakilala sa tatlong malalaking pulo ng ating bansa, Luson, Mindanaw at Panay na siyang unang kinaganapan ng pagbabangon ng ating bayan.”

​​Ibig sabihin, kung pagbabatayan ito, ang isang bituwin ay hindi para sa Visayas kundi para sa Panay.

​What??? E bakit Panay? Sa aking pakiwari, naging aktibo na kasi ang Panay sa Himagsikan sa mga panahong ito. Si Candido Iban ng Capiz ang bumili ng printing press ng Katipunan, kasama si Francisco del Castillo na namuno ng himagsikan ng Katipunan sa Aklan. Sa panahong 1898, magiging pinuno ng himagsikan sa Iloilo ay si Heneral Martin Teofilo Delgado na sa kalaunan ay kikilalanin ang Republika ni Aguinaldo at itataas sa Visayas sa unang pagkakataon ang bandila ng Pilipinas. Kaya marahil Panay at hindi Visayas ang unang pakahulugan nito.

​Ngunit titindig din sa Espanya ang ibang mga lalawigan sa Visayas (Sa katunayan 3 Abril 1898 nag-alsa na si Leon Kilat sa Cebu) kaya naman ayon kay Eufemio Agbayani, III, researcher ng National Historical Commission of the Philippines, agad din itong itinama ni Pangulong Emilio Aguinaldo. Sa isang talumpati sa mga kinatawan ng mga lokal na pamahalaan noong 6 Agosto 1898 sa Bacoor, binanggit niya ang sagisag ng bansa na “three stars and the sun,” at ang kahulugan ng mga bituwin ay Luzon, Visayas at Mindanao. Muling inulit ito ni Pangulong Aguinaldo sa pagpapatibay ng Kongreso ng Malolos sa Independencia ng Pilipinas noong 29 Setyembre 1898, “Ang kahulugan ng tatlong bituin na may tiglilimang dulo ay ang mga pulong Luzon, Visayas, at Mindanao, at tinuturo ng mga ito ang mumunting mga pulong nakapaligid sa kanilang sakop.”

​Ayon kay Ambeth Ocampo sa aklat na “101 Stories on the Philippine Revolution,” sinang-ayunan naman ito ng bayaning si Mariano Ponce sa isang sulat sa kaibigang si Y. Fukushima noong 21 Pebrero 1899, “Three stars are the three great groups of islands composing the Archipelago, the Luzon group, the Bisayas group, and the Mindanao group.” Gayundin si Isabelo de los Reyes na inilimbag sa Espanya ang artikulong “La Bandera de la Patria,” “las tres áureas estrellas de la Trilogía geográfica del Archipiélago: Luzon, Bisayas, con Joló y Mindanaw.”

​So parehong tama, kasi yung Panay nasa akta, pero mas tama na yung Visayas. Mas ok na rin para kasama ang lahat. Mahalaga iyon.

TELETABLOID

Follow Abante News on