Kay Selya

A Filipino poem written by Francisco Baltazar for his beloved Maria Asuncion Rivera (M.A.R.). It is part of Florante at Laura.

The title can be translated into English as “To Celia.”

Kay Selya

Kung pagsaulan kong basahin sa isip
ang nangakaraang araw ng pag-ibig,
may mahahagilap kayang natititik
liban na kay Selyang namugad sa dibdib?

Yaong Selyang laging pinanganganiban,
baka makalimot sa pag-iibigan;
ang ikinalubog niring kapalaran
sa lubhang malalim na karalitaan.

Makaligtaan ko kayang ‘di basahin,
nagdaang panahon ng suyuan namin?
kaniyang pagsintang ginugol sa akin
at pinuhunan kong pagod at hilahil?

Lumipas ang araw na lubhang matamis
at walang natira kundi ang pag-ibig,
tapat na pagsuyong lalagi sa dibdib
hanggang sa libingan bangkay ko’y maidlip.

Ngayong namamanglaw sa pangungulila,
ang ginagawa kong pang-aliw sa dusa,
nagdaang panaho’y inaalaala,
sa iyong larawa’y ninitang ginhawa.

Sa larawang guhit ng sintang pinsel,
kusang inilimbag sa puso’t panimdim
nag-iisang sanlang naiwan sa akin,
at ‘di mananakaw magpahanggang libing.

Ang kaluluwa ko’y kusang dumadalaw
sa lansanga’t ngayong iyong niyapakan;
sa Ilog Beata’t Hilom na mababaw,
yaring aking puso’y laging lumiligaw.

Di mamakailang mupo ng panimdim
sa puno ng manggang naraanan natin;
sa nagbiting bungang ibig mong pitasin,
ang ulilang sinta’y aking inaaliw.

Ang katauhan ko’y kusang nagtatalik
sa buntung-hininga nang ika’y may sakit,
himutok ko noo’y inaaring-Langit,
Paraiso naman ang may tulong-silid.

Liniligawan ko ang iyong larawan
sa Makating ilog na kinalagian;
binabakas ko rin sa masayang do’ngan,
yapak ng paa mo sa batong tuntungan.

Nagbabalik mandi’t parang hinahanap,
dito ang panahong masayang lumipas;
na kung maliligo’y sa tubig aagap,
nang hindi abutin ng tabsing sa dagat.

Sa mga unang saknong ng Pag-aalay kay Selya, itinatanong ni Balagtas kung nasaan na ang kanyang dating minamahal. Inaalala niya kung baka nakalimot na si Selya sa kanilang pag-iibigan. Ang pagkalimot na ito, ayon kay Balagtas, ay ang ikinalubog ng kanyang kapalaran sa lubhang kalungkutan. Pero iginigiit naman ni Balagtas na hindi niya nakalimutan ang pagmamahalang iyon.

Lumipas na ang mga araw na iyon, ang natira na lamang sa kanyang puso ay ang pag-ibig kay Selyang iniaako ni Balagtas na mananatili habang siya ay buhay pa.

Dahil inaakala ni Balagtas na nakalimot na si Selya, siya ay nangungulila sa pagmamahal at nagdurusa. Upang maibsan ito, inaaliw niya ang kanyang sarili sa pag-alala ng kanilang nakaraan. Sa pag-alala sa mukha ni Selya, siya ay nagiginhawaan.

Kanyang inaalala ang larawan ni Celia na kanyang iginuhit. Ayon sa kanya, ang larawang iyon ang tanging naiiwang pang-alala kay Selya.

Inaalala niya ang kanilang pinagpasiyalan noong sila ay magkasintahan pa, at nang si Selya ay nagkasakit. Ito ang ilog ng Beata at Hilom, at ang puno ng manggang hangad na pitasan ni Selya. Isa pa sa kanyang inaalala ay ang dagat na kanilang pinagliliguan dati, na, ayon kay Balagtas, kanilang inaagapan upang hindi abutan ng alat ng dagat.

Maiuugnay ang kabanatang ito sa buhay ni Balagtas. Ito ay dahil hango ito sa pagmamahalan nina Balagtas at Maria Asuncion Rivera (MAR).  Sila ay nagtagpo sa Pandakan noong 1835, at silang dalawa ay naging malapit sa isa’t isa. Ang pagmamahalang ito ay naudlot nang si MAR ay inagaw sa kanya ni Nanong Kapule, isang mayaman at makapangyarihang tao sa Pandakan. Ipinakulong si Balagtas ng mga magulang ni Kapule, at sa pagkawala ni Balagtas, napakasalan ni Kapule si MAR.

6 thoughts on “Kay Selya”

  1. i’ve been making a lot of poems about love ngayun napagkaalaman ko na kung bakit ito ay naging inspirasyon kay apolinaryo at rizal dahil sa pag ibig na di naibigan ng tadhana kay munting panulat ang nag silbing gabay upang sigaw ng puso ay matugun sa kaniyang minamahal

  2. tas sasabihin nyo lng sa jowa nyo “imissu” hindi “Ngayong namamanglaw sa pangungulila, ang ginagawa kong pang-aliw sa dusa, nagdaang panaho’y inaalaala, sa iyong larawa’y ninitang ginhawa.”

  3. dahil sa module nang kapatid ko nalaman ko talaga kung anong nangyari kay selya, di kasi nahanggit samin ito dati, kala ko nakulong lang talaga si fransisco.

  4. Nako, kung nangyari lang sa panahon ngayon iyang paghihiwalay nila Balagtas at Selya, dapat man lang may ‘closure’ sa kanila.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *