[Ulat] Panukalang-batas sa parusang kamatayan sa Pilipinas tinimbang ng ilang Pinoy | Radio-Canada.ca
  1. Home
  2. Pandaigdig
  3. International Politics

[Ulat] Panukalang-batas sa parusang kamatayan sa Pilipinas tinimbang ng ilang Pinoy

Nagpahayag ng saloobin ang ilang Pinoy sa Ontario tungkol sa pagbabalik ng parusang kamatayan sa Pilipinas

Thousands of Roman Catholics carry placards in a "Walk for Life" march around Manila's Rizal Park to oppose the revival of the death penalty by the Philippine Congress as well as the killings of drug users and drug pushers in the so-called war on drugs by President Rodrigo Duterte at dawn Saturday, Feb. 18, 2017 in Manila, Philippines. The Catholic Church expressed alarm over the killings of more than 7,000 people so far since President Duterte assumed office June 30 of last year. (AP Photo/Bul

Taong 2017 sumama ang libo-libong mananampalataya na Romano Katoliko sa 'Walk of Life' sa Maynila bitbit ang mga plakard na nagpahayag ng pagtutol sa panukala sa kongreso na ibalik ang parusang kamatayan [file photo].

Litrato: The Associated Press / Bullit Marquez

Rodge Cultura

Kinilala pareho ng dalawa sa mga lider ng Filipino community sa Toronto, Ont. ang kahinaan ng justice system sa Pilipinas na isang isyu sa hustisya at pagkakapantay-pantay ng mahirap at mayaman. At sa gitna ng panukala na ibalik ang parusang kamatayan sa bansa ay nagbanggaan ang magkasalungat na paniwala sa bisa laban sa kriminalidad.

Walang pagdadalawang-isip na pumapabor si Benjamin Ferrer, isang lider ng Filipino community sa Toronto, na ibalik ang parusang kamatayan sa Pilipinas.

Pabor ako niyan kung 'yung [krimen na] ginawa ay katumbas ng buhay [ng tao]. Kung talaga ang kaso niya ay mabigat talaga ... na buhay ang inutang, aniya.

Lalaki na matanda.

Si Benjamin Ferrer ang pangulo ng Silayan Community sa siyudad ng Toronto.

Litrato: RCI/Rodge Cultura

Dekada nobenta pa nang mag-Canada si Benjamin. Sinusundan niya umano ang mga polisiya at mga kaganapan sa Pilipinas na nakakaapekto sa kanyang mga mahal sa buhay.

Hindi niya umano maiwasan ang madismaya sa usapin ng kaligtasan tuwing mababalitaan ang mga insidente ng pamamaslang o kaya may na-kidnap sa Pilipinas.

Kung hindi gagawin ang parusang kamatayan [at] kung uutang ka ng buhay [ng walang kaparusahan] hindi mawawala ... lalong madadagdagan ang krimen, pahayag ni Benjamin.

Apat na panukalang-batas ang nakabinbin ngayon sa kongreso na maaaring magbigay-daan sa pagbabalik ng parusang kamatayan sa Pilipinas. Ang Senate Bill No. 198 at ang House Bills 501, 1543 at 2459.

Inihain ni Philippine senator Ronald Dela Rosa ang Senate Bill 198 (bagong window) noong Hulyo para buhayin ang parusang kamatayan sa pamamagitan ng lethal injection, RA 8177, para sa ‘Large-scale Illegal Drug Trafficking.’

Sa ulat mula sa Philippine News Agency sinabi noon ni Senador Dela Rosa na nilimitahan niya ang panukala sa high-level drug traffickers para hindi ito bansagan na anti-poor.

"There's no high-level drug trafficker who can be considered as small-time. Hindi po kasama dito ‘yung mga ordinary street drug pushers. Only big-time drug traffickers," pahayag ni Dela Rosa sa ulat ng Philippine News Agency.

Ipinanukala ang House Bill 2459, sa Philippine House of Representatives, na patawan ng parusang kamatayan ang mga banyaga na lalabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165). Iminungkahi naman sa HB 501 na ipatupad ang parusang kamatayan sa pamamagitan ng bitay, firing squad o kaya ay lethal injection para sa krimen tulad ng qualified bribery at sa nagmamay-ari ng marijuana.

Kamakailan inihain din ni Surigao del Norte Second District Rep. Robert Barbers sa kongreso ang HB 1543 na gusto ipawalang-bisa ang RA 9346 (bagong window) o ang batas na nagbabawal sa parusang kamatayan sa Pilipinas.

Para naman kay Nestor Von Canton, isa sa kilalang lider ng Filipino community sa siyudad ng Vaughan, Ont. nararapat lang na mabigat ang parusa para sa drug traffickers. Pero ikinatatakot niya na pawang mahirap na tao lang ang mapaparusahan sa oras na maisabatas ang parusang kamatayan sa bansa.

Sabihin na natin na ang intensyon ng batas ay mabuti para iparating ang mensahe. Nasubukan na nila eh, tingnan mo ang panahon ni Pangulong Duterte. Andaming namatay, ipinapatupad ang anti-drugs, etc. etc. Tingnan mo sino 'yung mga biktima, puro mahihirap. Nasaan 'yung mga manufacturer? Nasaan 'yung mga pusher? Nasaan 'yung mga opisyal, na nasa likod nito, 'di ba? Para sa akin hindi talaga siya crime deterrent, giit ni Nestor.

Lalaki nakangiti.

Si Nestor Von Canton ang CEO at founder ng MCBN, isang Filipino Canadian multimedia company, na nag-o-operate sa Vaughan.

Litrato: Nestor Von Canton

Tutol si Nestor na ibalik ang parusang kamatayan sa bansa.

Para sa kanya, hanggang sa talamak ang gutom ay marami ang kakapit sa krimen. Nararapat aniya higit na pagtuunan muna ng gobyerno ang problema sa kahirapan.

Magkasalungat man ang paniwala sa bisa ng parusang kamatayan na masumpo ang krimen ay magkasundo naman sa dalawang bagay sina Nestor at Benjamin.

Ang isyu ng kahirapan at ang kakayahan na maipagtanggol ng isang akusado ang sarili sa hukuman ay kailangan pa na pagbutihin at pagtibayin ng gobyerno ng Pilipinas. At kailangan aniya pagtuunan ng pansin ang isyu ng kurapsyon sa criminal justice system ng bansa.

'Yung mahirap walang panlaban. Walang pambayad ng abogado. Habang ang may kaya, pag-usapan natin drug dealers na nakagawa ng krimen, may mga pera ang mga ito. May kakayahan na kumuha ng abogado, sabi ni Nestor.

Sa Canada, higit apat na dekada na ang nakalipas nang tuluyang mabuwag ang parusang bitay noong Hulyo 14, 1976.

Ang huling dalawang tao na binitay sa Canada noon ay sina Ronald Turpin at Arthur Lucas noong Disyembre 11, 1962 o anim na dekada na ang nakaraan.

Muling ipinanukala noong 1987 na ibalik ang parusang kamatayan sa Canada. Pero matapos ang mahabang debate ay tinalo ito sa botohan sa House of Commons 148-127 noong ika-30 ng Hunyo 1987.

Basahin:

Ang urong-sulong na pagpapatupad ng parusang kamatayan sa Pilipinas ay humati sa opinyon ng marami pabor man o kontra sa pagpapatupad nito.

Pinirmahan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang Republic Act 9346 (bagong window) para ipagbawal ang pagpataw ng parusang kamatayan noong 2006. Pinawalang-bisa nito ang RA 8177 (An Act Designating Death by Lethal Injection) na naisabatas noong 1996.

Kapuna-puna na napawalang bisa dahil dito ang RA 7659 (Death Penalty Law) na tumukoy sa mga krimen na may kaparusahang bitay kasama ang mga krimen na kidnapping, pandarambong at paglabag sa dangerous drugs act. Gayundin ay binawi ang lahat ng batas, kautusang ehekutibo at mga pagpapasya na nagpapataw ng parusang kamatayan sa bansa.

Naiulat na napakinabangan ang bagong polisiya noon sa higit 1,000 na konbiktado na nasa death row.

Kaugnay na mga ulat:

Sa paglipas ng labing-anim na taon mula ng maipawalang-bisa ang parusang kamatayan sa Pilipinas ay maraming panukala, hanggang sa administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ang nagtutulak ngunit nabigo sa tangkang ibalik ito.

Sa ibang bansa, ang child trafficking ay [may parusa] na death penalty. Pwede nila subukan ito. Pero sa kabuuan hindi talaga ito deterrent.
Isang quote mula sa Nestor Von Canton, Miyembro, Filipino Canadian Association of Vaughan Board of Directors

Nagbunyi noong 2007 ang mga kumontra sa parusang kamatayan nang sumama na ang Pilipinas sa Second Optional Protocol (bagong window) to the International Covenant on Civil and Political Rights (ICCPR) at nangako na "buwagin ang death penalty sa hurisdiksyon nito."

Sa itinutulak na panukalang-batas sa parusang kamatayan sa Pilipinas ay inaabangan kung ito ay lulusot at tuluyan na maisasabatas sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Rodge Cultura

Mga Ulo ng Balita

RCI Newsletter

RCI Newsletter

Kahit nasaan ka man sa mundo, manatiling updated sa mga balita sa Canada.

Mga estratehikong partner

Pinanghahawakan ang lahat ng karapatan © Société Radio‑Canada 2024