Tony Galvez: Sistema ng edukasyon sa tech-voc may kakulangan

Si Antonio “Tony” Galvez, presidente ng Technical Vocational Schools and Associations of the Philippines, Inc. sa isinagawang media forum noong Mayo 13, 2024 upang bigyang-pansin ang isyu sa tech-voc industry dahil sa kahirapan sa pagkakaroon ng tamang trabaho. (Kuha ni Ann Esternon)

Aktibo pa rin si Antonio “Tony” Galvez, presidente ng Technical Vocational Schools and Associations of the Philippines, Inc. (TEVSAPHIL, Inc.), na magkaroon ng tamang pamamahala sa Technical and Vocational Education and Training (TVET) sa bansa.

Hindi maikakaila na mababa ang employment rate sa Pilipinas dahil hinahanap ng employers ang standard skills and knowledge ng mga naghahanap ng trabaho dahil na rin sa kakulangan sa sistema ng edukasyon.

 

Isyu

Nagkaroon ng pag-uusap sa pagitan ni Galvez at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) dahil isyu na noon kung bakit hindi kinukuha ng employers ang NC II graduates ng huli. Dito nagtaka si Tony Galvez kung bakit ipinasok pa ng Department of Education (DepEd) sa kanilang K-12 TVL track ang TESDA na NC I at NC II.

Ang title ng level 2 o NC II para sa learners at practitioners ay junior lamang. Para sa Philippine Chambers of Commerce and Industry (PCCI) ito ay novice, baguhan o basic lamang ang alam, at sa employers ito ay non minimum wage job. Nakikita ng employers na tuturuan pa nila ang graduates kaya hindi patas na gawing minimum wage earners ito. Ito rin ang hinahanap sa ibang bansa, na dapat dokumentado at may alam talaga ang manggagawa.

 

Pagdinig sa isyu nagpapatuloy

Nagkaroon kamakailan ng pagdinig sa nasabing isyu sa pangunguna ni Rep. Roman Romulo, chairperson ng Committee on Basic Education and Culture na dinaluhan ni Tony Galvez. Sang-ayon din si Romulo na dapat ay mas advance ang pagtuturo sa mga bata.

“Ipinangako ng K-12 dito sa Techvoc na ito ay job-ready pagka-graduate ng mga bata. Pero sa PCCI, ang mga ito ay kulang pa sa kaalaman. Sa mga negosyante, ang NC II ay isang novice,” ani Galvez.

Dapat ang pag-aaral ay nakalinya sa Philippine Qualification Framework (PQF) na pinamamahalaan din ng DepEd, Commission on Higher Education, TESDA, Professional Regulations Commission, at Department of Labor and Employment. Layunin nito ay lumikha ng pare-parehong national standards and proficiency levels para sa layunin ng pagtataguyod ng manggagawa at akademikong kadaliang mapakilos at mabawasan ang hindi pagkakatugma sa mga kasanayan sa trabaho. Para kay Galvez, ang PQF ang magpo-produce ng maayos na TVET graduates ngunit hindi ito nasusunod.

Ang usaping ito ay inaasahang mas magiging aktibong laban na ito para sa TVET industry.

Malaking bagay na pagtuunan ang isyu na ito dahil si Galvez ay kilalang advocate para sa high quality education. Matagal na siya sa industriya ng techvoc sa bansa. Katunayan, siya rin ay isang a pioneer techvoc practitioner.

Kasama rin sa inilalaban ni Galvez na magkaroon ng lisensya ang tech-voc practitioners para sa mas maayos na serbisyo para sa consumers.