Iba't Ibang Uri ng Liham - Padayon Wikang Filipino

Iba’t Ibang Uri ng Liham

Liham Pagbati (Letter of Congratulations) 

 Pinadadalhan ng liham pagbati ang sinumang nagkamit ng tagumpay, karangalan o bagay  na kasiya-siya. Ganito ring uri ng liham ang ipinadadala sa isang nakagawa ng ano mang kapuripuri o kahanga-hangang bagay sa tanggapan. 

Liham Paanyaya (Letter of Invitation) 

Taglay ng liham na ito ang paanyaya sa pagdalo sa isang pagdiriwang, maging tagapanayam  at/o gumanap ng mahalagang papel sa isang partikular na okasyon. 

Liham Tagubilin (Letter of Instruction) 

 Nagrerekomenda o nagmumungkahi ang isang indibidwal o tanggapan kung may gawaing nararapat isangguni sa bawat nagpapakilos ng gawain upang magkatulungan ang mga  kinauukulan sa katuparan ng nilalayon nito.  

Liham Pasasalamat (Letter of Thanks) 

 Pagpapahayag ng pasasalamat sa mga naihandog na tulong, kasiya-siyang paglilingkod,  pagbibigay ng kapaki-pakinabang na impormasyon, idea at opinyon, at tinanggap na mga  bagay.  

Liham Kahilingan (Letter of Request) 

 Liham na inihahanda kapag nangangailangan o humihiling ng isang bagay, paglilingkod,  pagpapatupad at pagpapatibay ng anumang nilalaman ng korespondensiya tungo sa  pagsasakatuparan ng inaasahang bunga, transaksiyonal man o opisyal. 

Liham Pagsang-ayon (Letter of Afirmation) 

 Liham na sumasang-ayon at nagpapatibay sa isang kahilingan o panukala na makabubuti  sa operasyon ng isang tanggapan. Maaaring samahan ng kondisyon ang pagsang-ayon kung  kinakailangan. 

Liham Pagtanggi (Letter of Negation) 

 Nagpapahayag ito ng dahilan ng pagtanggi, di pagpapaunlak, di pagsang-ayon sa paanyaya,  kahilingan, panukala, atbp hinggil sa pangangailangang opisyal at transaksiyonal.  Kailangang mahusay na maipahayag ang dahilan ng pagtanggi ng inaanyayahan upang  hindi makapagbigay alinlangan sa sumulat. Nasasalamin sa ganitong uri ng liham ang pagkatao  o personalidad ng tumatanggi sa liham. Dapat tandaan na kapag ang inaanyayahan ay  tumanggi o di makadadalo a paanyaya, kailangang magpadala ng isang kinatawang gaganap  ng kaniyang tungkulin. Kung di gustong ipaganap ang tungkulin, sagutin ng nakakukumbinsing  pananalita ang nag-aanyaya. 

Liham Pag-uulat (Report Letter) 

 Ito ang liham na nagsasaad ng katayuan ng isang proyekto o gawain na dapat isakatuparan  sa itinakdang panahon. Tinatalakay dito ang: (a) pamagat, layunin, at kalikasan ng proyekto; (b)  bahagdan ng natamo batay sa layunin; (c) kompletong deskripsiyon ng progreso ng kasalukuyang  gawain, pati na ang mga tauhan, pamamaraan, mga hadlang, at mga remedyo; at (d) mga  gawaing kailangang pang isagawa upang matapos sa itinakdang panahon ang proyekto. 

Liham Pagsubaybay (Follow-up Letter) 

 Ito ang liham na ipinadadala upang alamin ang kalagayan ng liham na naipadala na, subalit  hindi nabibigyan ng tugon. Nagsisilbi itong paalaala upang bigyang aksiyon ang naunang liham.  Ang uri ng liham na nararapat subaybayan ay ang liham kahilingan, paanyaya, at maging ang  pag-aaplay o pamamasukan sa trabaho. Sa pagsulat, magalang na banggitin sa liham ang petsa at layunin ng naunang komunikasyon. 

Liham Pagbibitiw (Letter of Resignation) 

Liham na nagsasaad ng pagbibitiw ng isang kawaning nagpasiyang huminto o umalis sa pagtatrabaho bunga ng isang mabigat at mapanghahawakang kadahilanan. Kinakailangan ditong mailalahad nang maayos at mabisa ang dahilan ng pagbibitiw sapagkat  nasa anyo at himig ng pananalita ng nagbibitiw ang larawan ng kaniyang pagkatao. Hinihingi  rito ang marangal na pagpapahayag. Dapat iwasan ang panunuligsa sa tanggapan o sa mga  pinuno at tauhan ng opisinang nililisan . 

Liham Kahilingan ng Mapapasukan/Aplikasyon (Letter of Application) 

 Ang sinumang nagnanais na makapaglingkod sa isang tanggapan ay kailangang magpadala  o magharap ng liham kahilingan. Ang maayos na pagkakasunod-sunod ng mga idea at  tuwirang pananalita na nakapaloob sa nilalaman ng liham ay nakahihikayat ng magandang  impresyon. Tukuyin ang posisyong inaaplayan at kahandaan ng pakikipanayam anumang oras  na kinakailangan. 

Liham Paghirang (Appointment Letter) 

 Ito ay isang liham na nagtatalaga sa isang kawani sa pagganap ng tungkulin, pagbabago/  paggalaw (movement) ng katungkulan sa isang tanggapan o promosyon (promotion) para sa  kabutihan ng paglilingkod sa tanggapan. Isinasaad sa liham ang dahilan ng pagkahirang at ang pag-asang magagampanan ang  tungkuling inaatas sa kaniya nang buong kahusayan. 

Liham Pagpapakilala (Letter of Introduction) 

 Liham ito na himig-personal na nagpapakilala sa isang taong nagsasadya sa isang tanggapan upang lalo siyang makilala ng kakausaping opisyal kaugnay ng anumang transaksiyon.  

Liham Pagkambas (Canvass Letter) 

 Ang liham na ito ay nagsasaad ng kahilingan ng sumusunod: (a) halaga ng bagay/aytem na  nais bilhin, (b) serbisyo (janitorial services, security services, catering services, venue/function  halls, atbp) ng isang tanggapan . Nagsisilbing batayan ito sa pagpili ng pinakamababang halaga ng bilihin at serbisyong  pipiliin. 

Liham Pagtatanong (Letter of Inquiry) 

 Liham ito na nangangailangan ng tuwirang sagot sa nais malaman hinggil sa mga opisyal na impormasyon o paliwanag.  

Liham Pakikidalamhati (Letter of Condolence) 

 Liham ito na ipinapadala sa mga kaopisina, kaibigan, kakilala, kamag-anak na naulila. Nagpapahayag ito ng pakikiisa sa damdamin subalit hindi dapat palubhain ang kalungkutan ng  mga naulila. Nararapat itong ipadala agad matapos mabatid ang pagkamatay ng isang tao. 

Liham Pakikiramay (Letter of Sympathy) 

 Liham ito na ipinadadala sa mga kaopisina, kaibigan, kakilala, kamag-anak na nakaranas ng sakuna o masamang kapalaran, tulad ng pagkakasakit, bagyo, lindol, baha, sunog, aksidente sa sasakyan o ano pa mang sakuna ngunit buhay pa. Nilalaman ng liham ang lubos na pakikiramay sa sinapit na sakuna at ang tulong na nais ipaabot ng tanggapan sa biktima. Nararapat na  maipadala agad ito sa kinauukulan matapos mabatid ang pangyayari. 

Liham Panawagan (Letter of Appeal) 

 Liham ito na nagsasaad ng kahilingan, kooperasyon, pakiusap para sa pagpapatupad o implementasyon ng kautusan, kapasyahan, at pagsusog/enmiyenda ng patakaran.  

Liham Pagpapatunay (Letter of Certification) 

 Ito ay uri ng liham an nagpapatunay na ang isang empleado o tauhan sa tanggapan ay  nagtungo at/o dumalo sa isang gawaing opisyal sa isang partikular na lugar at petsa na kung  kailan ito isinagawa. Nilalagdaan ito ng puno ng tanggapan, tagamasid pampurok, o puno ng  rehiyon. 

Pinaghanguan: Patnubay sa Korespondensiya Opisyal (Ikaapat na Edisyon) KWF